Thursday, February 19, 2026

Unexplained wealth, pangunahing laman ng ika-apat na impeachment complaint laban kay VP Duterte

Ang hindi maipaliwanag na yaman na hindi umano nakadeklara sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN ang isa sa mga pangunahing laman ng ika-apat na impeachment complaint na inihain sa Kamara laban kay Vice President Sara Duterte na inendorso nina Representatives Benny Abante ng Maynila at Paolo Ortega V ng La Union.

Batay sa reklamong inihain ni Atty. Nataniel Cabrera, may mga assets, bank accounts, cash holdings at property transactions ang hindi inilagay o understated sa mga SALN ng bise presidente.

Nakasaad sa reklamo na dapat magkaroon ng forensic review ng bank records, property transfers at related financial documents para matukoy kung may pondo ng bayan ang na-convert bilang private assets at kung tugma ba ang deklaradong net worth ni VP Sara sa kanyang totoong financial position.

Nakapaloob din sa impeachment complaint ang kwestyunableng paggastos sa ₱612.5 million na confidential funds simula December 2022 hanggang sa third quarter ng 2023.

Kabilang din sa mga alegasyon sa complaint ang pahayag ni VP Sara na mayroon syang inutusan na pumatay kay Pangulong Ferdinand Bomgbong Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos at dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Nakapaloob din sa 4th impeachment complaint ang sinumpaang salaysay ni Ramil Madriaga at ng iba pang mga testigo, gayundin ang official liquidation and accomplishment reports mula sa Office of the Vice President at Department of Education (DepEd), kasama din ang Commission on Aaudit (COA) memoranda at notices of disallowance.

Kasama din sa complaint ang sertipikasyon mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) para sa mga tumanggap ng confidential funds, pati ang congressional hearing transcripts, mga public statements ng respondent at and Joint Circular patungkol sa confidential and intelligence funds.

Facebook Comments