Ini-adopt na sa joint hearing ng House Committees on Health at Information and Communications Technology ang pag-aatas sa Inter-Agency Task Force (IATF) na bumuo ng unified national contact tracing protocol.
Sa inaprubahang House Resolution 1536 na inihain mismo ni Speaker Lord Allan Velasco, magtatatag ng iisang national contact tracing protocol na layong matiyak na epektibo at ligtas ang health emergency data monitoring system sa bansa.
Pinagtatalaga rin ng isang ahensya para sa national contact tracing na tatayo bilang sentralisadong paglalagyan ng mga impormasyon upang mapadali ang sistema para sa health emergency response.
Tinitiyak din sa panukalang batas na ligtas ang mga data at impormasyon salig na rin sa Data Privacy Act of 2012 at mayroong real-time data access sa mga accredited contact tracing app providers.
Suportado naman ni Contact Tracing Czar Benjamin Magalong ang panukalang iisang national contact tracing dahil naging problema nila ang iba’t ibang application para sa contact tracing na hindi man lamang dumaan sa kanilang konsultasyon.
Binigyang diin naman ni Health Committee Chairman Angelina Helen Tan at Information Communications Technology Chair Victor Yap ang kahalagahan ng unified national contact tracing upang maiwasan ang disparity, data mishandling, at mapangalagaan ang data confidentiality.
Magkagayunman, magsasagawa pa ng mga pagpupulong ang dalawang komite kasama ang Department of Health (DOH), Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Science and Technology (DOST), at ang National Task Force Against COVID-19 para maisaayos ng husto ang ilalatag na national contact tracing app.