“Unified template” para sa COVID-19 vaccination program sa NCR, iminungkahi ng isang health expert

Dapat na mabilis na maisagawa ang pagbabakuna para mapigilan ang posibleng pagkalat ng iba’t ibang variants ng COVID-19 sa Pilipinas.

Ito ang pahayag ni dating National Task Force Against COVID-19 Special Adviser Dr. Tony Leachon matapos na madiskubre sa South West England ang bagong mutation ng COVID-19 UK variant.

Sa ngayon, may limang mutation na ng COVID-19 at pinaka-popular ang UK at South African variant.


Ayon kay Leachon, mahalagang makarating agad sa bansa ang bakuna para mabigyan na ng proteksyon ang mga tao mula sa virus.

“Ang virus po ay napakatalino. Dahil naglalabasan na ang mga bakuna, ang tendency kasi ng virus ay magbago ng anyo. So, ito’y ina-anticipate natin na habang nagro-rollout tayo ng bakuna e umiiwas yung virus. Kaya kailangan magpabakuna tayo agad para lumakas tayong lahat,” ani Leachon sa panayam ng RMN Manila.

Dagdag pa ng health expert, dapat na ibuhos ang focus sa pagbabakuna sa National Capital Region (NCR).

Paliwanag ni Leachon, kapag nabakunahan ang 70% ng populasyon sa NCR, posibleng tuluyan nang mabuksan ang ekonomiya sa katapusan ng taon.

Kasabay nito, iminungkahi rin ni Leachon ang pagkakaroon ng ‘unified template’ ng COVID-19 vaccination rollout sa Metro Manila.

“We have limited supply and we are on economic recession. E, since ang epicenter ng business natin ay itong National Capital Region, I think the focused would be on the National Capital Region but it has to have one unified launch and then lahat dapat ng private sector and medical community will have on deck para mabilisan na ‘to,” dagdag niya.

Facebook Comments