Uniform minimum wage, hiniling sa Pangulo na ipatupad na rin

Nanawagan si Bayan Muna Representative Ferdinand Gaite kay Pangulong Duterte na iutos ang pagkakaroon ng uniform minimum wage sa lahat ng mga kawani ng pamahalaan.

Giit ni Gaite, mahalaga na magpatupad na ng uniform o pantay-pantay na minimum na sahod para sa lahat ng mga empleyado ng ahensya ng gobyerno, local government units (LGUs) at Government Owned and Controlled Corporations (GOCCs).

Layon nito na mabago at maitama ang pagkakaiba-iba ng minimum wage ng mga empleyado sa iba’t-ibang lugar sa bansa.


Nababahala si Gaite na katulad sa mga nagdaang adjustments sa sweldo sa ilalim ng Salary Standardization Law (SSL) ay mas nakakakuha ng malaking adjustment ang mga top officials at executives pero maliit lamang ang nadadagdag sa sahod ng mga nasa rank and file employees.

Dahil dito ay hiniling ni Gaite na maipasa agad ng Kongreso ang House Bill 247 na layong magkaroon ng uniform minimum wage sa lahat ng mga empleyado ng pamahalaan na P750 kada araw o mahigit P17,600 kada buwan.

Aniya, ang pinakamababang sahod ng isang empleyado ng gobyerno ay nasa P11, 068 lamang kada buwan.

Facebook Comments