Uniform ng lahat ng mga estudyante sa ROTC, libre – Sen. Bato dela Rosa

Para mapawi ang pangamba ng mga magulang sa dagdag na gastos sa uniporme ng kanilang mga anak na sasabak sa pagsasanay sa mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC), nilinaw ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na may libreng uniform para rito ang mga estudyante.

Ayon kay Dela Rosa, nakapaloob sa probisyon ng panukalang mandatory ROTC ang pagbibigay ng isang set ng libreng uniform kasama ang combat boots pagpasok ng mga mag-aaral sa first year.

Ang libreng ROTC uniform ay subsidized ng gobyerno sa pamamagitan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at ng Commission on Higher Education (CHED).


Kasama rin sa mabibigyan ng libreng ROTC uniform ang mga estudyanteng nag-aaral sa mga pribadong paaralan.

Aabot naman sa P5 billion ang alokasyon na inilaan ng Department of National Defense (DND) para sa uniporme ng mga estudyante.

Ang lahat naman aniya ng aktibidad at pondo na gugugulin para sa mandatory ROTC ay imomonitor ng binuong grievance committee sa national at local level upang matiyak na walang pangaabusong magaganap at masasayang na pondo.

Facebook Comments