Suportado ng Malacañang ang pagkakaroon ng uniform travel requirements sa mga local tourist destinations.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang pagkakaroon ng common travel protocols sa mga lokal na pamahalaan ay mapapadali ang galaw ng mga turista.
“Well, iyan po iyong ating hinihikayat, ang mga lokal na pamahalaan na bumuo ng common protocol ‘no dahil mahirap po talagang magbiyahe kung paiba-iba iyong mga requirements,” sabi ni Roque.
Umaasa si Roque na mas maraming Pilipino na ang makakabiyahe sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil sa isasagawang immunization program ng pamahalaan.
“Ngayong mayroon na tayong bakuna kasama iyong ating mask, hugas at iwas, eh talaga pong lalo pang dadami iyong mga bumibiyahe at magiging dahilan para maengganyo ang iba’t ibang Local Government Units na magkaroon na nga ng common national protocol,” ani Roque.
Nabatid na nanawagan ang domestic carriers sa pamahalaan na magkaroon ng uniform protocols para sa domestic travelers para muling buhayin ang matamlay na turismo sa bansa.
Una nang naghayag ng suporta ang Department of Tourism (DOT) sa pagkakaroon ng uniform set of guidelines sa domestic destinations.