Unilateral ceasefire, idineklara ni PRRD sa gitna ng banta ng COVID-19

Nagpasya si Pangulong Rodrigo Duterte na magdeklara ng unilateral ceasefire laban sa Communist Party of the Philippines (CPP), New People’s Army (NPA) at National Democratic Front (NDF) epektibo alas dose ng hatinggabi ng March 19, 2020 hanggang alas dose ng hatinggabi ng April 15, 2020.

Sa harap na rin ito ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Luzon dahil pa rin sa banta ng COVID-19 sa bansa.

Sinabi ni Presidential Spokesman Atty. Salvador Panelo na inatasan ng Pangulo ang Department of National Defense (DND) at Department of the Interior and Local Government (DILG) kasama na rin ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na itigil na muna ang paglulunsad ng offensive military and police operations sa panahon ng tigil putukan.


Kaugnay nito, kinakailangang magpalabas ang dalawang mga departamento ng kautusan sa kani-kanilang mga tauhan para sa pagpapatupad ng unilateral ceasefire, kasama na ang suspension of offensive military and police operations.

Sa pamamagitan ng tigil putukan, umaasa si Pangulo na hindi maantala ang pagbibigay ng public health assistance at ang galaw ng mga health worker at medical supplies sa mga komunidad, gayundin ng mga taong nangangailangan ng agarang atensyong medical.

Facebook Comments