Unilateral ceasefire sa CPP-NPA-NDF, istriktong ipatutupad ng DND; mga sundalo, pinaghahanda naman sa anumang pag-atake

Striktong ipatutupad ng Department of Defense (DND) ang idineklara ng Pangulong Duterte na unilateral ceasefire sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Isiniguro ito ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa isang statement matapos na maging epektibo ang unilateral ceasefire kaninang hatinggabi na tatagal hanggang April 15.

Inatasan ni Lorenzana ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na magpatupad ang militar ng Suspension of Offensive Military Operations o SOMO sa CPP-NPA-NDF.


Pero tuloy pa rin, aniya, ang normal na Law Enforcement Operations ng AFP sa koordinasyon ng Philippine National Police (PNP), at mga aktibidad na may kinalaman sa mga programa ng NTF-ELCAC (National Task Force to end the Local Communist Armed Conflict) para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan.

Ayon sa Kalihim, sinasamantala nang kalaban ang ceasefire para makapaglunsad ng opensiba laban sa tropa ng pamahalaan.

Kaya mahigit na bilin din ng Kalihim sa tropa na manatiling laging handa na ipagtanggol ang kanilang sarili.

Facebook Comments