Ilegal provocative at labag sa international law.
Ganito inilarawan ng Philippine Navy ang unilateral fishing ban ng China sa ilang bahagi ng West Philippine Sea.
Ayon kay Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Roy Vincent Trinidad hindi nila kinikilala ang naturang deklarasyon ng China.
Hindi rin aniya mapipigilan nito ang paggampan nila sa tungkulin na protektahan at itaguyod ang soberenya ng bansa.
Kasunod nito, sinabi pa ni Trinidad na dinagdagan nila ang bilang ng mga patrol vessels sa West Philippine Sea partikular na sa Bajo de Masinloc.
Una naring naghain ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng panibagong diplomatic protest hinggil sa nasabing annual fishing ban ng China na epektibo mula Mayo uno hanggang Setyembre a-16.
Sabi pa ng opisyal, walang kailangang ikapangamba ang mga mangingisda lalo na ang mga nasa Bajo de Masinloc dahil nasa likod nila ang pamahalaan at ginagawa nila ang lahat upang maprotektahan ang kanilang kabuhayan.
Aniya simula nang ipatupad ng China ang unilateral fishing ban ay wala pa namang nahuhuling mangingisdang Filipino.