Uniporme ni Mamang Drayber, Dapat Color-Coded

Cauayan City, Isanela – Ipapatupad ang color-coded na unipormeng pampasada batay sa kinabibilangang TODA.

Yan ang naging sentro ng diyalogo sa pagitan ng Public Order and Safety Division(POSD) ng Cauayan at mga presidente ng iba’t-ibang Tricycle Operators and Driver’s Association sa lungsod ng Cauayan.

Sa pagtutok ng RMN Cauayan News Team sa ipinatawag na pulong ng pinuno ng POSD-Cauayan na si Ginoong Edwin Lucas ngayong araw Disyembre 15, 2017, iminungkahi ni POSD Deputy Antonio de Luna na mas makabubuti na magkaroon ng sinisimbulong kulay ang bawat TODA.


Kanyang binigyang diin na kung magkakaroon ng color-coded uniforms ang mga tricycle drivers ay mas madali umanong matukoy ang kanilang kinaaaniban.

Ayon kay de Luna kung sakaling may reklamo, nakagawa ng paglabag sa batas trapiko o sangkot sa anumang krimen ang sinumang miyembro, kulay pa lang ng uniporme ay malalaman na kung saang TODA sila kasapi.

Bawat accredited na TODA naman ay kinakailangang may hawak na master list ng kanilang miyembro nang sa ganon ay may maibigay na dokumento ang mga ito kung sakaling kailanganin o hilingin ng kapulisan o mga operatiba ng POSD.

Dagdag pa ni De Luna makatutulong din ang hakbang na ito upang makontrol ang mga kolorum na pumapasada sa Cauayan.

Ang pulong ay ginanap sa Cauayan City Hall na dinaluhan nina PNP Chief of Police Supt. Narciso Paragas, at PNP Chief Inspector Benny Asuncion na mag-aabot din ng tulong sa pagsasayos ng trapiko sa lungsod.

Nakatakda namang simulan bukas December 16, 2017, ang dry-run ng masusing pagpapatupad ng pag-gamit ng trike lane para sa mga traysikel at pagkakaroon ng mga one-way zone sa ilang bahagi ng lungsod.

Facebook Comments