Aabot sa 10,600 indibidwal ang nabakunahan sa tulong ng volunteer doctors at nurses ng US Peace Corps sa mass vaccination program ng Quezon City at Caloocan city.
Ayon kay US Embassy acting Spokesperson John Groch, sa kasagsagan ng Omicron variant ng Coronavirus nitong January at February, pinunuan ng US Peace Corps ang karagdagang pangangailangan ng mga doktor at nars sa vaccination program ng gobyerno.
Aniya, sa loob ng nasabing panahon ay nag-volunteer ng dalawang araw kada linggo ang mga doktor at nars ng US Peace Corps sa mass vaccination.
Noong Pebrero, tumulong din ang US Peace Corps medical teams sa pag-screen at pagbabakuna ng 2,700 pasyente na 5 hanggang 17 taong gulang.
Sinabi ni U.S. Peace Corps Country Director Jenner Edelman, magpapatuloy ang US Peace Corps sa tulong ng United States Agency for International Development (USAID) sa pagsuporta sa pediatric vaccination sa National Capital Region at iba pang bahagi ng bansa para ligtas na makabalik sa paaralan ang mga bata.