Kasado na bukas, August 5, ang isasagawang “Unity Walk” ng ilang grupo ng transportasyon na tutol sa rekomendasyon ng Senado na suspendihin ang Public Utility Vehicles Modernization Program (PUVMP).
Ayon kay Ed Comia, convenor ng Kooperatiba at Korporasyon ng Alyansang Pilipino para sa Modernisasyon (AKKAP MO), aabot sa 5,000 hanggang 10,000 tsuper at operators mula sa hanay ng consolidated na transport cooperatives ang dadalo.
Magtitipon-tipon ang mga grupo na suportado ang PUVMP sa Mabuhay Welcome Rotonda sa Quezon City ng alas-6:00 ng umaga bago sila magma-martsa papuntang Mendiola sa Maynila.
Bukod dito, sinabi ni Comia na magkakaroon din ng sabay-sabay na protesta sa ibang bahagi ng bansa gaya sa Cagayan de Oro at Cebu.
Samantala, bilang paghahanda rito, sinabi ni Philippine National Police spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na maglalagay ang pulisya ng border controls at checkpoints mamayang gabi bilang paghahanda sa unity walk.
Dagdag ni Fajardo, na magde-deploy rin ang PNP ng kanilang mga mobile patrol vehicle upang tumulong sakaling may ma-stranded na mga commuter.