Universal access sa COVID-19 vaccine, iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa UN General Assembly

Hindi dapat mapag-iwanan ang mahihirap na bansa sa pagkuha ng bakuna kontra COVID-19.

Ito ang iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pagdalo sa UN General Assembly Special Session on COVID-19 kagabi.

Sa kanyang recorded speech, iginiit ng Pangulo na dapat magkaroon ng access sa ligtas at epektibong bakuna ang lahat ng mga bansa, mayaman man o mahirap.


Aniya, walang bansa ang dapat mapag-iwanan nang dahil lamang sa kahirapan o strategic unimportance dahil kung hahayaan, mawawalan ng saysay ang mga prinsipyo kung paanong itinatag ang United Nations.

“If any country is excluded by reason of poverty or strategic unimportance, this gross injustice will haunt the world for a long time. It will completely discredit the values upon which the United Nations was founded,” ani Pangulo.

“We cannot let this happen, no one is safe unless everyone is safe,” dagdag pa niya.

Kasabay nito, nagpahayag din ng suporta si Pangulong Duterte para sa global medical and scientific initiatives na pinagtibay sa World Health Organization (WHO) kabilang ang ACT Accelerator, COVAX Facility at C-TAP.

Tiniyak din ng Pangulo na gagawin ng Pilipinas ang parte nito sa pagtulong sa iba pang mga bansa nang walang kondisyon.

“Our collective initiatives in the UN and other multilateral frameworks are our best chance to defeat COVID-19,” saad ng Pangulo.

Facebook Comments