Manila, Philippines – Mangangatok o door to door campaign na ang gagawin ng Social Watch Philippines Youth at iba pang community organizations para himukin ang mga senador na maisabatas na panukalang Universal Health Care at Tax Tobacco to the Max.
Ayon kay Medel Pulanco ng Social Watch Philippines Youth, susugod sila mamaya sa Philippine Senate para simulan ang kanilang kampanya.
Bukod pa ito sa ibang aktibidad na gagawin sa Senado para ipakita ang kanilang suporta sa Senate Bill 1896 o Universal Health Care at Senate Bill 1605 o Excise Tax on Tobacco Products.
Bago magpunta sa Senado, magtatagpo muna ang grupo sa Film Center para sa briefing at saka magmartsa hanggang Senate building.
Una nang umapela ang vulnerable sectors na isabatas na ang panukalang Universal Health Care na sinertipikahan bilang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte sa paniwalang magiging pantay na ang delivery ng health services sa mamamayan.
Anila 74% sa kabuuang populasyon ang walang kakayahan na maka-access sa basic health service sa ngayon.
Nais din nilang itaas ang buwis sa tobacco para pagkukunan ng pondo para sa implementasyon ng batas.