University Belt, bantay-sarado ng MPD sa gitna ng paglulunsad ng Licensure Examination for Teachers

Mahigpit na seguridad ang ipinatutupad ngayon ng Manila Police District (MPD) sa University Belt partikular sa Univeristy of the East (UE) Manila kung saan kasalukuyan isinasagawa ang Licensure Examination for Teachers (LET).

Nabatid na dumagsa kanina sa UE Manila ang mga kukuha ng LET kabilang ang mga fresh college graduate at ilang mga professional na nais maging guro.

Sa Setyembre 25 dapat isasagawa ang LET pero napagdesisyunan ng Professional Regulation Commission (PRC) na gawin ito ngayong araw.


Ito ay dahil nagkaroon ng problema ang PRC sa bidding para sa pag-print ng mga test booklet bukod pa sa masamang lagay ng panahon.

Bawat kukuha ng nasabing pagsusulit ay dumaraan sa masusing security check at health protocols upang maiwasan ang hawaan ng COVID-19.

Maghapon na magbabantay sa lugar ang mga tauhan ng MPD upang matiyak na magiging maayos at payapa ang ikinakasang pagsusulit.

Wala namang isinarang kalsada sa paligid ng unibersidad kaya asahan ang posibleng pagbigat ng daloy ng trapiko mamayang hapon.

Facebook Comments