Manila, Philippines – Mariing kinondena ng University of Santo Tomas (UST) ang anumang uri at paraan ng hazing.
Ito’y matapos nasawi ang 22-anyos na law student na si Horacio Tomas Castillo, III.
Nagpaabot ng simpatya at panalanging ang UST sa pamilya ni Horacio.
Naglabas na rin ng memorandum order ang faculty of civil law kung saan suspendido ang lahat ng officers at miyembro ng Aegis Juris Fraternity.
Sa ilalim ng suspensyon, hindi na maaring pumasok ang mga myembro nito sa unibersidad, sa faculty of law at maging sa kani-kanilang klase hangga’t walang kautusang binababa ang pamunuan ng UST.
Tiniyak ng UST na mabibigyan ng karampatang parusa ang sinumang nasa likod ng pagpatay upang mabigyan ng hustisya si Horacio.
Samantala, nangako ang Aegis Juris Fraternity na makikipagtulungan sa mga otoridad.
Sa pahayag ng grupo, ipinarating nito ang pakikiramay sa pagkamatay ni Horacio Castillo III.