
Ipinaliwanag ng Malacañang ang basehan ng paggawad ng unmodified opinion ng Commission on Audit sa mga ahensya.
Ito’y matapos makatanggap ng “unmodified opinion” rating ang Office of the Vice President (OVP) mula sa COA, para sa ikatlong sunod na taon.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, iginagawad ang unmodified opinion rating sa mga ahensyang nakasunod sa itinakdang framework ng financial reporting.
Pero hindi aniya nito saklaw ang hiwalay pang compliance at performance audit, na ginagawa para malaman kung nagamit ba ng tama ang pondo ng tanggapan.
Dagdag pa ni Castro, tama ang pahayag ng COA na hindi ito nangangahulugan na walang mga nadiskubreng “misstatement” o maling deklarasyon, sa isinumiteng audit report ng OVP para sa paggastos ng kanilang pondo noong 2024.
Ipinunto pa nito ang mga ibinabang desisyon ng COA para sa OVP sa mga nakalipas na taon, gaya ng notice of disallowances para sa confidential funds noong 2022 na P73-million at P164-million noong 2023.









