Unmonitored travel ng mga LSI, major contributory ng pagtaas ng COVID-19 cases sa mga probinsya

Isinisi ni Hatid Tulong Project head at Presidential Management Staff Assistant Secretary Joseph Encabo sa mga unmonitored travel ng Locally Stranded Individuals (LSIs) ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa mga probinsya.

Sa interview ng RMN Manila, ibinihagi ni Encabo ang nadiskubre nilang pagbuntot ng mga van sa mga bus na maghahatid ng mga LSI sa mga probinsya na may sakay ring mga LSI pero hindi kasali sa Hatid Tulong Program.

Ibig sabihin, hindi sila sumalang sa 14-day quarantine at medical check-up bago bumiyahe.


“Marami po tayong mga unmonitored, unregistered na movement ng mga LSI at yun po ay hindi dumadaan sa quarantine at medical protocol. Unlike sa amin po, bago aalis o babiyahe ang mga LSI natin ay tinitingnan po sila ng ating mga doktor. Those are cases na talagang nagkakaroon ng major contributions,” ani Encabo.

Ngayong araw, halos 400 LSIs ang iuuwi sa Regions 8, 9, 11 at sa probinsya ng Palawan sa ilalim ng pocket send-off approach.

Sa ilalim nito, kada batch ang pagpapauwi sa mga LSI para matiyak na masusunod ang health protocols at magkaroon sila ng sapat na accommodation sa quarantine facilities ng mga receiving Local Government Units (LGUs).

Samantala, ayon kay Encabo, bineberipika pa nila ang ulat na isang 44-year old na LSI ang ni-rape ng isang gwardiya sa loob ng isolation facility sa Leyte.

Aniya, nagpadala na sila ng team ng Presidential Management Staff kasama ang Philippine National Police (PNP) para magsagawa ng imbestigasyon.

“Ayaw ko po munang pangunahan ang pangyayari. Well, it will be dealt accordingly and with legal actions naman po,” giit ng opisyal.

Facebook Comments