Pinapaimbestigahan ni Senador Win Gatchalian sa Energy Regulatory Commission (ERC) at Department of Energy (DOE) ang mga napabalitang unplanned outages o biglaang pagtigil ng operasyon ng ilang power plants sa Luzon na nagdulot ng pagtaas ng singil sa kuryente.
Ayon kay Gatchalian, dapat gumalaw dito ang ERC dahil noong November 2020, ay naglabas sila ng isang polisiya na lahat ng planta ay dapat makapag-deliver batay sa tinatawag na reliability index at ang hindi makakasunod ay papatawan ng multa.
Inudyukan din ni Gatchalian ang DOE na pagtuunan ng pansin ang mga logistical concerns na kinakaharap ng ilang power producers upang mapigilan ang mga pagsasara ng iba pang planta sa mga darating na araw.
Giit ni Gatchalian, na siyang Chairman ng Senate Energy Committee, hindi tayo dapat magkaroon ng brownouts dahil padating pa ang mga bakuna sa katapusan ng buwan o kaya sa Mayo o Hunyo.
Paliwanag ni Gatchalian, maseselan itong mga vaccines na ang iba ay kailangan ng almost subzero freezing temperature o mga freezer na kaya ang negative 20 degrees.