
Naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang dalawang mambabatas upang kuwestiyunin ang mga unprogrammed appropriations sa ilalim ng 2026 National Budget.
Dumulog sa SC ngayong Huwebes sina House Senior Deputy Minority Leader Edgar Erice at Deputy Minority Leader Leila De Lima para maghain ng petition for certiorari dahil sa umano’y grave abuse of discretion.
Hiniling din ng petitioners na huwag ipatupad ang unprogrammed appropriations batay sa kanilang petition for prohibition.
Ito ay dahil pirmado na ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang 2026 General Appropriations Act kaya’t maaari na raw ipatupad ng gobyerno.
Umaasa silang reresolbahin ng Kataas-taasang Hukuman ang isyu kung naaayon sa Saligang Batas ang 2026 GAA.
Pinahihina umano kasi ng unprogrammed appropriations ang pagiging transparent, fiscal discipline at safeguards ng Saligang Batas laban sa discretionary spending nang walang malinaw na pinagkukunan ng kita.
Nasa 92.5 billion na unprogrammed appropriations sa 2026 budget ang nauna nang vineto ng Pangulong Marcos Jr.









