Sang-ayon si Senate Minority Leader Koko Pimentel sa unang inihayag nila dating Senator Ping Lacson at Albay Rep. Edcel Lagman na nagagamit sa ‘pet projects’ ng mga kongresista ang unprogrammed funds sa ilalim ng national budget.
Ang mga unprogrammed funds ay mga proyekto na wala pang tukoy na pondong pagkukunan pero maaari itong mapondohan kung may sobrang koleksyon sa kita ang gobyerno o magkaroon ang bansa ng karagdagang grant o foreign funds.
Ayon kay Pimentel, bagama’t ngayong 2024 ay hindi pa niya batid anong mga proyekto ng ilang kongesista ang pinondohan sa unprogrammed funds pero sa 2023 ay nakita niyang may mga nakasingit na proyekto ng ilang mga mambabatas sa Ilocos Norte, Tacloban at Leyte.
Nang matanong naman kung gaano katalamak na ginagamit sa pet projects ng ilang kongresista ang unprogrammed funds, tugon ni Pimentel ay tatlong taon nang dinadagdagan ng Kongreso ang unprogrammed appropriations.
Tinukoy ni Pimentel na nagsimula ang pagdadagdag sa naturang pondo noong 2022 kung saan P100 billion ang idinagdag, nong 2023 ay halos P300 billion ang itinaas at ngayong 2024 ay P450 billion ang naidagdag sa unprogrammed funds.
Igniit ng senador na kung hindi ito maagapan ay hindi malayong abusuhin ng ilan ang naturang practice na maituturing din na labag sa saligang batas.