
Nanindigan si House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Party-list Representative Leila de Lima na wala dapat puwang sa 2026 national budget ang anumang halaga ng unprogrammed appropriations (UA).
Pahayag ito ni De Lima sa kabila ng pag-veto ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., sa ₱92.5 billion na halaga ng unprogrammed funds sa Pambansang Pondo ngayong taon.
Giit ni De Lima, malinaw sa opinyon ni Associate Justice Raul Hernando sa PhilHealth case na labag sa Konstitusyon ang unprogrammed appropriations dahil wala wala itong tiyak at malinaw na pinanggagalingang kita, walang Constitutional safeguard at maituturing na pagsuko ng kapangyarihan ng Kongreso sa paggastos sa diskresyon ng Ehekutibo.
Diin pa ni De Lima, inamin mismo ni Executive Secretary Ralph Recto na halos wala ng excess revenue na maaring makolekta.
Kaya ayon kay De Lima, hindi na makatwiran na maglagay pa ng item sa ilalim ng unprogrammed appropriations sa 2026 budget.
Ayon kay De Lima, sakaling magkapera na dahil sa excess revenues ay maaari namang maglikha ng special appropriations mula sa Kongreso.










