Unti-unting pagbubukas ng face-to-face classes, pwede nang ikasa

Suportado ni Senator Nancy Binay ang posisyon ng Department of Education (DepEd) na magkaroon ng dry run ng face-to-face classes sa mga piling paaralan sa mga lugar na mababa o walang kaso ng COVID-19.

Katwiran ni Binay, mainam na harapin natin ang katotohanan at new normal na hindi pwede na manatiling naka-lockdown at nakakulong ang mga bata.

Ipinunto pa ni Binay na pinayagan na rin ang mga bata na lumabas, magbakasyon at pumunta sa malls na maituturing na high-risk environments kumpara sa mga paaralan na mas kontrolado ang sitwasyon at pagpapatupad ng health protocols.


Binanggit ni Binay na mahalaga rin na may konsultasyon ang DepEd sa mga Local Government Units (LGUs) para sa mabilis na pagresponde kapag may emergency case at tamang pagtugon sa public health situation.

Si Committee on Higher Education Chairman Senator Joel Villanueva naman ay buo ang suporta sa unti-unting pagbubukas ng face-to-face classes sa kolehiyo.

Ayon kay Villanueva, maaari itong isagawa basta tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad ng health protocols laban sa COVID-19.

Iminungkani ni Villanueva na bukod sa kolehiyo ay mainam na magkaroon na rin ng gradual opening ng face-to-face classes sa technical – vocational school.

Facebook Comments