Unutilized fund para sa Local Disaster Risk Reduction and Management ng mga LGUs, hiniling na gamitin na lamang para sa Cagayan at Isabela

Umapela si Ways and Means Committee Chairman at Albay Rep. Joey Salceda sa mga Local Government Units (LGUs) na hindi apektado ng kalamidad na gamitin ang kanilang Local Disaster Risk Reduction Management Funds (LDRRMF) para sa mga biktima ng bagyo sa Cagayan at Isabela.

Tinukoy ni Salceda na pinapayagan na gamitin ang pondo na ito ng mga LGUs para makatulong sa ibang komunidad sa ilalim ng Republic Act No. 10121, o Philippine Disaster Reduction and Management Act.

Bukod dito ay itinutulak din ng kongresista na magkaroon ng isang national financing mechanism na magbibigay ng dagdag na pondo sa mga LGUs na madalas tinatamaan ng bagyo.


Paliwanag ni Salceda, ang pondo para sa local disaster risk reduction ay 5% lamang ng total revenue ng LGU.

Natataon pa aniya na ang sinisira ng kalamidad ay mga lalawigan na maliliit lamang ang kita ng LGU habang ang mga lugar na may matataas na revenue ay kakaunti lamang o hindi masyadong apektado ng mga bagyo kaya hindi rin nagagamit ang pondo para sa disaster.

Inihirit din ng mambabatas ang pagkakaroon ng matatag na national disaster framework na kayang isaayos ang resources ng bansa kapag kinakailangan gayundin ang tuluyang pagtatatag ng Department of Disaster Resilience (DDR).

Sinabi pa ni Salceda na Vice Chairman din ng Appropriations Committee sa Kamara na iaatas niya na gamitin ang 2021 fiscal resources sa mga typhoon-hit areas ngayong taon.

Facebook Comments