Unvaccinated Students, Papapasukin pa rin sa Paaralan- SDO Cauayan

Cauayan City, Isabela- Nilinaw ni Cauayan City Schools Division Superintendent Dr. Alfredo Gumaru Jr. na papayagan pa ring makapasok sa loob ng paaralan ang mga mag-aaral na hindi pa bakunado kontra COVID-19.

Kasabay na rin ito ng pagbubukas ng klase para sa school year 2022-2023 sa Lunes.

Sa pulong balitaan sa isinagawang Hybrid Summit ng SDO Cauayan kasama ang mga stakeholders, sinabi ni Dr. Gumaru na maaari pa ring makasama sa face-to-face classes ang isang estudyante na hindi vaccinated.

Mandato kasi aniya ng DEPED na walang ipapataw na restrictions sa mga mag-aaral ngayong pasukan, bakunado man sila o hindi. Ito ay para maranasan na rin aniya ng lahat ng mga mag-aaral ang in-person o face to face classes.

Gayunman, patuloy pa ring hinihikayat ang mga magulang na sana ay pabakunahan ang mga unvaccinated na anak para magkaroon din ang mga ito ng proteksyon sa sarili laban sa virus.

Kaugnay nito ay ipapatupad pa rin ang minimum health protocols sa pasukan gaya ng isang metrong layo sa bawat upuan ng mga estudyante.

Hahatiin naman sa tatlong batch sa kada araw ang schedule ng mga mag-aaral depende sa kanilang subject.

Ang iba namang subject na hindi maa-accommodate sa isang isang araw ay tatalakayin sa pamamagitan ng modular o online learning.

Facebook Comments