Pinayuhan ng mga biologist mula sa University of the Philippines (UP) ang pamahalaan na magtanim na lamang ng bakawan o mangroves sa halip na tambakan ng dolomite sand ang Manila Bay.
Ayon sa UP Diliman Institute of Biology (IB), ang pagtatanim ng bakawan ay maituturing na “cheap” at “cost-effective” na uri ng rehabilitasyon.
Suportado rin ito ng International Union for Conservation of Nature bilang isa sa pinaka-epektibong solusyon para sa pagsusulong ng biodiversity at conservation.
Dagdag pa ng IB, dapat ikinokonsidera sa isang rehabilitation program ang land-sea connectivity, maging ang mga short-term, at long-term na impact sa mga species, ecosystem at seascape.
Hindi sila suportado sa dolomite white sand project, lalo na kung ang pondong inilaan dito ay napunta sana sa mas epektibong mga proyektong pangkalikasan.
Ang pagtatambak ng dolomite sand ay hindi nakakatulong para magkaroon ng habitat ang mga vulnerable at endangered bird species.
Nabatid na ₱28 million mula sa ₱389 million allocation para sa Manila Bay Rehabilitation and Clean Up project ay nakalaan sa dolomite sand.