UP-BIOTECH dapat palakasin, malaki tulong nila sa mga magsasaka, mangingisda – Ping

Layunin ni presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson na mabigyan ng sapat na suporta ang University of the Philippines-National Institute of Molecular Biology and Biotechnology (UP-BIOTECH) dahil sa malaking ambag na maibibigay nito sa sektor ng mga magsasaka at mangingisda.

Ayon kay Lacson, ngayon pa lang ay nakikita na niya ang potensyal na mapaunlad ang agrikultura sa bansa sa tulong ng mga pag-aaral at nabuong produkto ng UP-BIOTECH tulad ng mga organikong pataba na mas mura kumpara sa komersyal na fertilizer na gawa sa mahal na materyal.

Sa gitna ng pangangampanya at mga town hall meeting kasama ng iba’t ibang sektor ay naiuugnay nina Lacson at running mate na si vice presidentiable Vicente ‘Tito’ Sotto III ang mga magsasaka sa UP-BIOTECH upang maipaabot ang magandang balita na may mas mura nang pataba na maaari nilang magamit.


“Partner, natatandaan mo noong nasa Cebu tayo, kausap natin ‘yung mga farmers doon? Ni-link namin sila, tuwang-tuwa ‘yung UP-BIOTECH, at gusto nilang iparating nga sa akin,” lahad ni Lacson sa panayam sa kanila ni Sotto ng ‘Emedia Mo.’

Sa nasabing online radio station na naka-base Zamboanga City, inihayag ni Lacson na aabot sa P3.57-bilyon ang posibleng matipid ng sektor ng agrikultura, kung matutulungan ang UP BIOTECH na maparami ang produksyon ng organic fertilizers at maipamahagi ito, sa halip na mag-import para gamitin sa milyon-milyong ektarya ng sakahan sa buong bansa.

“Napaka-enthusiastic nila nang malaman nilang naiuugnay natin sila sa mga magsasaka. Kung magagamit lang, ano… Kung tutulungan lang sila ng Department of Agriculture para ma-upscale ‘yung kanilang production, distribution, application ng kanilang mga biofertilizers,” ayon kay Lacson.

Batid ng tambalang Lacson-Sotto ang magagawa ng pambansang pamahalaan para palakasin ang sektor ng research and development sa bansa tungo sa kaunlaran ng mga magsasaka at mangingisda, at pagkakaroon ng seguridad sa pagkain.

“Ang problema rin sa national government, for the longest time ay pinabayaan ‘yung ating research and development. A mere 0.4 percent ng budget ang inilalaan lang natin para sa research and development,” panghihinayang ni Lacson.

Dahil dito, kasama sa mga prayoridad na programa ni Lacson ang pagbuhos ng pondo sa research and development mula sa national budget. Aniya, kung maisasagawa ito ay hindi na mapipilitan ang mga ekspertong Pilipino na magpunta sa ibang bansa para doon magamit ang kanilang talento.

Facebook Comments