Kinalampag ng mga estudyante ng University of the Philippines Diliman Campus ang Commission on Elections (COMELEC ) na pakinggan ang maraming panawagan na palawigin ang voter registration.
Ito ay sa kabila ng abiso ng COMELEC na hanggang September 30 na lamang ang pagpaparehistro ng mga bagong botante.
Sinabi ng UP Diliman University Student Council, dapat pakinggan ng komisyon ang maraming apela na bigyan pa ng hanggang Oktubre 30 ang pagpaparehistro.
Ito ay dahil maraming mga kabataan ang hindi nagawang magparehistro matapos ang mga lockdown na ipinatutupad ng pamahalaan bunsod ng paglobo ng kaso ng COVID-19.
Paliwanag ng mga estudyante mula UP Diliman, marami sa kanila ang nais makibahagi sa 2022 elections ngunit dahil sa pandemya ay hindi nila nagawa na makapagparehistro.
Una nang inaprubahan ng Senado ang isang resolusyon na humihikayat sa COMELEC na palawigin hanggang Oktubre 30 ang voter registration para mas lalo pang dumami.