UP economists na tutol sa economic Cha-cha, inakusahang ‘anti-poor’ ng isang kongresista

 

Hindi pinalampas ni House Committee on Constitutional Amendments Chairman at Cagayan De Oro City Second District Representative Rufus Rodriguez ang pagtutol ng isang grupo ng ekonomista mula sa University of the Philippines (UP) sa panukalang pag-amyenda sa mga economic provisions sa Konstitusyon.

Bunsod nito ay tahasang inakusahan ni Rodriguez ang nabanggit na UP economists ng pagiging anti-poor, anti-development, anti-employment, at anti-economic progress.

Dismayado si Rodriguez na hinaharang ng naturang UP economists ang economic Charter reforms na tiyak hihikayat ng direktang pamumuhunan ng mga dayuhan sa ating bansa na magpapalas sa ating ekonomiya, magbibigay ng trabaho at pagkakakitaan para sa mga Pilipino.


Sa isang position paper, tinutulan ng mga ekonomista mula sa UP ang economic Cha-cha at sinabing ang dapat na pagtuunan ng pansin ng mga kongresista ay ang mga nakakaapekto sa pagpasok ng foreign direct investments o FDI gaya ng imprastraktura, connectivity, korupsyon, at pangingibabaw ng batas.

Giit naman ni Rodriguez, ang pag-amyenda sa Konstitusyon at pagtugon sa mga bagay na nakakaapekto sa pamumuhunan ay maaaring gawin ng sabay.

Facebook Comments