Napansin ng mga eksperto na siyang nagsasagawa ng pag-aaral at pananaliksik sa Pilipinas ang muling pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Ito ay kahit naitala ang biglang pagbaba ng COVID-19 cases sa bansa matapos ipatupad ang dalawang linggong Modified Enhanced Community Quarantine sa Metro Manila at karatig lalawigan noong Agosto.
Sa huling monitoring report ng University of the Philippines (UP) OCTA Research Team na mayroong paglobo muli ng COVID-19 cases sa mga nakalipas na linggo kasunod ang downward trend mula August 10 hanggang September 6.
Ayon kay UP Professor Ranjit Rye, naitala ang pagtaas ng kaso hindi lamang sa National Capital Region (NCR) kundi maging sa iba pang bahagi ng bansa.
“The numbers have increased not only in NCR (National Capital Region) but across the country. It has decreased from almost 4,000 to around 2,000 cases but last week biglang tumaas na naman,” sabi ni Professor Rye.
Batay sa report, sa seven-day average ng bagong kaso sa buong bansa ay tumaas sa 3,424 mula September 7 hanggang 3, kumpara sa 2,871 na naitala mula August 31 hanggang September 6.
Sa kabila ng pagbabago ng bilang ng kaso, nakita ng research group na ang reproduction number o “r-naught” o ang ginagamit na sukatan sa bilang ng taong kayang mahawaan ng isang confirmed cases ay nananatili sa 0.96.
“Yung r-naught natin kapag lagpas na ng 1 masamang senyales na iyon pero kapag less than 1, ibig sabihin ay humihina ang pagkalat ng virus. So far, na-maintain naman natin kaya ang goal natin ay i-sustain pa ito kahit na may kaunting pagtaas,” ani Rye.
Bukod sa NCR, ang lalawigan ng Laguna at Bacolod City ay nananatiling may mataas na bilang ng kaso.
May pagtaas din ng kaso sa mga katabing probinsya ng Metro Manila, tulad ng Cavite, Batangas, Rizal at Bulacan na mayroong higit 100 bagong COVID-19 cases kada araw.
Ikinokonsidera sila ng research team na “high risk areas” kung saan ang reproduction number ay mataas sa 1.
Nakikitaan din ng upward trend ng COVID-19 cases ang Bataan, Tarlac, Zambales, Benguet, Cagayan, Isabela, La Union, Oriental Mindoro, Palawan, Pangasinan, Agusan Del Norte, Cotabato City, Maguindanao, Misamis Oriental at South Cotabato.
Nanawagan din ang research team sa Department of Transportation na bawiin ang implementasyon nito ng polisiya na niluluwagan ang physical distancing sa mga pampublikong transportasyon.
Inirekomenda rin ng grupo na paigtingin ang localized lockdowns, border controls, test, trace, isolate, at treatment programs.