Ibinalik na ng 7th Infantry Division sa kanyang pamilya ang nag-New People’s Army (NPA) na University of the Philippines (UP) Graduate na sumuko sa kanila kamakailan.
Pinangunahan ni 7ID Commander Major General Andrew D. Costelo kasama ang mga kinatawan ng Local Government Unit (LGU) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pag turn-over kay Emman Tan sa kanyang magulang sa Headquarters ng 7ID sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija.
Sinabi ni Gen. Costelo na inaasahan niyang natuto na si Emman sa kanyang masamang karanasan sa NPA at gagamitin ang kanyang tinapos na Community Development Degree sa UP upang magkaroon ng mas magandang kinabukasan.
Matatandaan na naligtas ng mga tropa ng Philippine Army (PA) si Emman, matapos siyang boluntaryong sumuko, kasunod ng sunod-sunod na enkwentro ng militar sa mga kasama niyang NPA sa Barangay Namal, Asipulo, Ifugao.
Si Emman, na sumali sa NPA nito lang Abril ng taong ito ay dating miymebro ng UP Anakbayan na nagtapos sa naturang unibersidad noong 2016.
Batay sa tala ng militar, 28 graduate ng iba’t ibang unibersidad at kolehiyo na sumama sa NPA ang nasawi sa mga enkwentro sa militar hanggang February ng taong ito.
18 sa mga ito ang mula sa UP.