Nanindigan ang University of the Philippines (UP) na walang nangyayaring organized recruitment ang mga rebeldeng komunista sa kanilang mga estudyante.
Ito ang sagot ng UP sa pahayag ng Department of National Defense (DND) na binawi nila ang 1989 accord dahil sa malawak na recruitment ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA).
Ayon kay UP Vice President for Public Affairs Elena Pernia, hindi sinusuportahan ng unibersidad ang mga ganitong uri ng sedition, karahasan, o anumang uri ng recruitment na malalagay ang mga estudyante sa panganib.
Nilinaw rin ni Pernia na hindi ipinagbabawal ng buo sa ilalim ng kasunduan ang mga sundalo o ang mga pulis na pumasok sa UP campuses dahil mayroong exemption lalo na kapag mayroong hot pursuit at emergency cases.
Sinabi naman ni UP Law Professional Lecturer Tony La Viña, walang karapatan ang DND na gawing unilateral ang pagkansela sa kasunduan.
Para naman kay Commission on Human Rights (CHR) Spokesperson Jacqueline De Guia, hindi dapat tinitingnan ang accord bilang isang simpleng kasunduan, dahil nagsisilbi itong assurance na naitataguyod ang freedom of expression at na-e-exercise ang academic freedom at dapat itong igalang ng gobyerno lalo na ng mga pulis at sundalo.