UP-NIH testing kit, posibleng magamit na sa susunod na Linggo

Nasa final validation test na ang UP-National Institute of Health’s (UP-NIH) Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) detection kits.

Sa interview ng RMN Manila kay Food and Drug Administration (FDA) Chief Under Secretary Eric Domingo, tinatapos na ngayon ng mga UP-scientist ang testing kit kung saan inaasahan nila na maaari ng gamitin sa susunod na Linggo.

Bukod sa dinedevelop ng UP, kahapon ay inaprubahan na rin ng FDA ang apat na commercial test kit para sa COVID-19 mula sa china at south korea at mayroon pang tatlo o apat na madaragdag ngayong araw.


Sinabi ni Domingo na nasa 200 na aplikasyon ang mayroon sila para sa COVID-19 testing kit lalo na at aminado ito na aabot sa daang milyon piraso ang kinakailangan ngayon ng Department of Health (DOH).

Ang inaprubahang test kits ng FDA ay maaari nang gamitin sa mga ospital at laboratoryong papahintulutan ng DOH.

Kukunan ng sample ang pasyente sa pamamagitan ng swab, at ipapadala ito sa awtorisadong laboratoryo kung saan gagamitin ang mga kits.

Facebook Comments