Sinupalpal muli ng University of the Philippines (UP) ang panibagong “misleading” post ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ito ay matapos itampok ang isang nagngangalang Michael Eric Castillo na sinasabing propesor sa unibersidad.
Sa statement, nilinaw ng UP na hindi na bahagi ng kanilang faculty si Castillo.
Nagsilbi lamang si Castillo bilang part-time senior lecturer sa Diliman campus mula 2013 hanggang 2017, taliwas ito sa post ng militar na propesor pa rin siya ng unibersidad.
Sa serye ng Facebook posts, sinabi ng AFP Civil Relations Service (CRS) na inihahayag ni Castillo ang kanyang suporta para sa pagpapawalang bisa ng kasuduan sa pagitan ng UP at ng Department of National Defense (DND) na nagbabawal sa pwersa ng gobyerno na pumasok sa campuses na walang abiso sa pamunuan ng unibersidad.
Sa isa pang post, sinabi ni Castillo na mayroong “silent majority” sa UP community ang sumusuporta sa termination ng 1989 UP-DND accord.
Nakiusap ang UP sa AFP na burahin ang mga nasabing post kabilang ang litrato ni Castillo, maging ang university seal.
Paglabag anila ito sa polisya ng UP ukol sa maling paggamit ng kanilang seal, oblation at colors.