Nagbabala ang isang Public Health expert mula sa University of the Philippines (UP) hinggil sa pabagu-bagong behavior ng Coronavirus.
Bunga nito, sinabi ni Dr. Katherine Reyes, Associate Dean for Research College of Public Health mula sa UP-Manila na dapat ipagpatuloy ng publiko ang mga panuntunan ng Department of Health (DOH) para makaiwas sa COVID-19.
Kailangan din aniyang paghandaan ang mga mekanismo ng health system sa bansa.
Nagbabala si Dr. Reyes na kapag inalis na ang lockdown sa Luzon ay nanganganib na tumaas muli ang kaso ng virus kapag naging kampante ang publiko at hindi na pinairal ang tamang health protocols.
Samantala, nilinaw naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa ay bunga ng mabilis na pagproseso sa mga pending na test procedures.
Ikinagalak din ng DOH na ang kaso ng virus sa Pilipinas ay hindi lumobo tulad ng naging kaso sa US, Italy, Spain at United Kingdom.
Gayunman, hindi pa aniya tapos ang laban kontra COVID at nahaharap pa rin tayo sa malaking banta ng outbreak dahil wala pa ring natutuklasan na bakuna laban sa virus.
Inanunsyo rin ni Dr. Vergeire na ang vitamins at mineral supplements ng senior citizens ay kasama na sa may 20% discount bastat magpakita lamang ng reseta sa mga botika.