Manila, Philippines – Wala pang direktang epekto ang bagyo sa Pilipinas subalit habang papalapit ito sa Taiwan-Batanes area ay inaasahan ang pagbabago sa panahon at mararanasan ang pag-ulan sa bahagi ng Batanes, Babuyan Group of Islands at Ilocos.
Sa isang press briefing, ayon kay PAGASA weather forecaster Aldczar Aurelio, bagama’t malayo ang bagyo, palalakasin naman nito ang southwest monsoon o habagat na magdadala ng pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Visayas at Luzon kabilang ang Metro Manila.
Dagdag pa ni Aurelio, posibleng magtaas ng babala ng bagyo ang PAGASA sa ilang lugar sa dulong hilagang Luzon pagsapit ng Huwebes (September 27) o Biyernes (September 28) pero sa ngayon ay walang umiiral na cyclone warning signal saanmang bahagi ng bansa.
Sa pinakabagong weather bulletin ng PAGASA, huling nakita ang mata ng bagyo sa layong 975 kilometers silangan ng Tuguegarao City sa Cagayan.
Taglay nito ang lakas ng hangin na 170 km/h malapit sa gitna, pagbugsong 210 km/h at kumikilos sa bilis na 20 km/h – pero sa mga susunod na araw ay sinasabing babagal ito dahil napapagitnaan ang bagyo ng tinatawag na anti-cyclone pressure.