Manila, Philippines – Hindi pa itinuturing ng Philippine National Police (PNP) na “person of interest” ang umano’y general na nakaaway ng napaslang na Tanauan Mayor Antonio Halili.
Ito ang sinabi ni PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde makaraang aminin na iniimbestigahan na ng PNP ang personal na away ng mayor at high ranking official na ito para patayin ito.
Paliwanag ni Albayalde, kinikonsidera lamang ng PNP ang lahat ng posibleng angulo sa krimen para maka-establish ng motibo.
Sinabi pa ni Albayalde hindi niya personal na kilala ang heneral at hindi rin makumpirma ng PNP Chief kung ang nasabing heneral ay militar o pulis.
Sinasabing away sa lupa o land dispute umano ang matagal nang away ng dalawa dahil maraming lupaing nabili ang alkalde sa lalawigan.
Una nang binanggit ni Calabarzon Regional Director Edward Carranza na tatlong motibo ang iniimbestigahan ngayon ng PNP sa pagpaslang kay Halili, ito ay walk of shame campaign nito, away sa pulitika at pagkakasangkot sa iligal na droga.