Manila, Philippines – Hindi pa rin tukoy ng Metro Manila Development Authority (MMDA) kung sino ang naglagay ng mga tarpaulin na may nakasulat ng“Welcome to the Philippines, Province of China”.
Sa interview ng RMN DZXL Manila kay MMDA Spokesperson Celine Pialago, nilinaw niya na mayroong CCTV sa mga lugar pero hindi movable ito.
Aniya, posibleng hindi nakatutok ang CCTV sa mga footbridges kaya hindi ito nakunan kung sino ang naglagay doon.
Nakikipagtulungan na ang MMDA sa pulisya at sa mga lokal na pamahalaan maging sa mga establisyimento.
Ilan sa mga lugar na nakitaan ng tarpauline ang Quezon Avenue, Commonwealth Avenue, C-5, Airport Road, España, Rotonda at sa Pasay.
Una nang sinabi ng Malacañang na posibleng mga kaaway ng administration ang nasa likod nito.