Cauayan City, Isabela- Over loading o kaya’y human error ang tinitignang anggulo sa nangyaring malagim na aksidente na ikinasawi ng labing siyam (19) na katao at pagkakasugat ng dalawamput dalawang (22) pasahero ng elftruck na nahulog sa bangin kagabi sa Brgy. Karikkitan, Conner, Apayao.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCapt Manuel Canipaz Jr., hepe ng PNP Conner, napag alaman na biglang namatay ang makina ng sasakyan na minamaneho ni Maytofor Datul habang paakyat sa matirik na kalsada ng Sitio Gassut Brgy. Karikkitan Conner, Apayao.
Hindi umano kinaya ng sasakyan ang bigat ng karga nito na mga tao at mga binhing palay at mais kaya’t bumulusok ito pababa at tuluyang nahulog sa 20 metrong lalim ng bangin.
Sa panayam naman ng 98.5 iFM Cauayan sa Vice Mayor ng Rizal, Cagayan na si Joel Ruma, nakikipag ugnayan na sila sa mga punerarya kung saan dinala ang mga labi ng mga namatay at nakatakda silang magbigay ng tulong pinansyal sa mga biktima ng trahedya.
Sa ngayon ay inoobserbahan pa ang 10 sa 22 na sugatan na isinugod sa CVMC samantalang ang natitirang bilang dito ay nasa maayos ng kalagayan sa Conner District hospital.
Ayon kay Albert Bacuyag, MDRRMO ng Conner, hihigpitan na rin umano nila ang mga dadaan sa naturang lugar at hindi na papayagan ang mga overload na mga sasakyan patungo sa naturang lugar.