Kahit nitong nagdaang holiday ay hindi tumigil ang staff at volunteers ng Philippine Red Cross (PRC) sa isinasagawang search and retrieval operations sa nangyaring landslide sa Natonin Mt. Province.
Matatandaang gumuho ang lupa sa nasabing lugar dahilan upang matabunan ang DPWH building noong kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Rosita.
Ayon kay PRC Chairman Gordon, nagpadala na sila ng humanitarian caravan kasama ang payloader, humvee, six wheeler truck, tower light, three portable generators, ambulance, hotmeals on wheels vehicle at rescue gears sa Mt. Province.
Kasunod nito nagpapasalamat si Gordon sa mga magigiting na kawani ng Red Cross na sinuong ang 40 landslides at naglakad ng 9 na oras para lang makapagsagawa ng search and rescue operations.
Nagpasalamat din ito sa Oceana Gold Philippines dahil sa pagpapahiram ng karagdagang pala at taga sa PRC rescuers na siyang gamit nila ngayon sa operasyon.
Sa ngayon sumampa na sa 17 katao ang nahukay mula sa guho kung saan pinaniniwalaang nasa higit 30 katao ang nalibing dito ng buhay.