Na-inquest na ang pulis na inireklamo ng panggagahsa sa 15-anyos na dalagita kapalit ng pagpapalaya sa magulang nito na sangkot sa illegal na droga.
Sinampahan ng kasong rape at administratibo si Police Officer 1 Eduardo Flores Valencia.
Base sa testimonya ng dalagita sa Manila Police District (MPD), dinala siya ng pulis sa motel matapos na mahuli at ikulong ng mga operatiba ng Station 4 noong Oktubre 25 ang kaniyang ina at amain.
Ayon kay MPD District Director Police Chief Superintendent Rolando Anduyan, posibleng sinamantala ni Valencia ang sitwasyon ng dalagita at mga magulang nito.
Sa isinagawang genital examination sa biktima, lumabas na mayroon siyang genital laceration na indikasyon na nagalaw siya.
Mayroon din umanong nakalagay sa report na mayroon siyang healed lacerations.
Sa kabila nito, nanindigan si Valencia na nagsisinungaling ang biktima at gawa-gawa lang ang paratang laban sa kaniya.
Aniya, inosente siya at naghihinanakit din dahil nasira ang inaalagaan niyang pangalan.
Kumukuha na ng kopya ng CCTV ng motel ang MPD pero hindi pa nagbibigay ang establishimyento.
Nasa pangangalaga naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang dalagita.