Upgrade sa Basilan General Hospital, isinusulong ng mga Mindanao solons

Hiniling ng mga Mindanao solons ang upgrade sa kapasidad ng Basilan General Hospital (BGH).

Sa ilalim ng House Bill No. 10382 na iniakda nina Deputy Speaker at Basilan Rep. Mujiv Hataman at Anak Mindanao Party-list Rep. Amihilda Sangcopan, itinutulak na itaas ang BGH sa isang Level 3 hospital mula sa kasalukuyang Level 1 lamang.

Mula naman sa 25-bed capacity ay ipinapanukala itong itaas sa 500 beds sa loob ng dalawang taon.


Ayon kay Hataman, oras na para makapaghatid ng moderno, dekalidad at kumpletong serbisyong pangkalusugan sa mga taga-Basilan, lalo na sa panahon ng pandemya kung saan mahalaga ang malapit na pagamutan para sa mga maysakit.

Umaasa naman si Sangcopan na sa pagsasabatas ng panukala ay mabibigyan ng dekalidad na health care service hindi lang ang Basilan ngunit maging ang Sulu at Tawi-tawi o BASULTA Region.

Bukod sa BGH, mayroon pang anim na ibang ospital sa Basilan at lahat ng ito ay Level 1 hospitals na walang ICU at walang kapasidad para mangalaga ng severe COVID-19 cases.

Facebook Comments