Iniutos na ni Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Operations at JTF COVID-19 Shield Commander Police Lieutenant General Guillermo Eleazar sa PNP-Highway Patrol Group (HPG) na mag-higpit sa mga unauthorized persons outside of residence (UPOR).
Ayon sa opisyal, may direktiba sya sa HPG na magsagawa ng mga mobile checkpoints at Oplan Habol sa kahabaan ng edsa at mga major thoroughfares sa Metro Manila para sitahin ang mga UPOR sa loob ng mga pribadong sasakyan.
Dahil wala, aniyang, quarantine checkpoints sa EDSA, mag-iikot ang HPG para hanapin ang mga sasakyan na may mahigit na isang taong sakay at paparahin.
Ginagawa ito ng PNP sa harap ng mga report na maraming pa ring mga tao maliban sa mga authorized persons outside of residence (APOR) ang hindi sumusunod sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Sa ilalim ng ECQ, ay tanging mga health workers at iba pang nasa government, essential at emergency services kabilang ang media ang pinahihintulutan sa labas ng bahay.