Isinulong ni AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee ang urban agriculture at vertical farming sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain at iba pang pangunahing bilihin.
Nakapaloob ito sa ilalim ng House Bill 1297 o Instructional Gardens and Urban Agriculture Act of 2022.
Inaatasan ng panukala ang Department of Agriculture, katuwang ang Department of Science and Technology na maglunsad ng urban agriculture at vertical farming sa mga lungsod at iba pang angkop na lugar sa bansa.
Halimbawa ng dapat taniman ng gulay o lugar na pwedeng mag-alaga ng mga hayop na maaring kainin ay ang abandonadong lupa ng gobyerno at sa mga state universities at colleges.
Iniuutos din ng panukala na isama ang instructional gardens program sa academic curriculum ng elementarya at sekondarya sa pribado at pampublikong mga paaralan.
Pinabibigyan naman ng panukala ng tax incentives ang mga pribadong indibidwal at korporasyon na magbibigay ng grants, endowments, donations o contributions at technical assistance para sa implementasyon ng institutional gardens sa mga paaralan.