Isinama na rin ng Quezon City local government ang urban aquaculture sa food security plans sa lungsod.
Ito’y maliban sa urban agriculture na may layuning matiyak na may pagkukuhanang masustansiya at abot kayang pagkain ang mga residente sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Nakipagkasundo na si Mayor Joy Belmonte bilang chairperson ng Quezon City Food Security Task Force sa Department of Agriculture at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources para sa proyekto.
Sa ilalim ng programa, magbibigay ang BFAR-NCR ng 15 aquaponic units na ilalagay sa iba’t ibang komunidad kabilang ang Barangay Bagong Silangan.
Sinabi ng alkalde, malaki ang maitutulong ng programa na mabigyan ng kabuhayan ang mga dating hog raiser sa paglipat sa fish culture.
Ang aquaponics ay isang eco-friendly food production technology ng pinagsamang konsepto ng aquaculture at hydroponics upang payagan ang mga isda at mga gulay na magkasamang lumago sa isang integrated system.