Friday, January 30, 2026

Urban farming, isinusulong ng Manila LGU bilang bahagi ng pagpapalakas ng food security

Plano ng lokal na pamahalaan ng Maynila na gamitin ang 23 ektaryang lupain sa Boystown Manila na pagtatayuan ng makabagong pasilidad sa pagtatanim.

Ito’y bahagi ng urban farming program ng Manila LGU na layuning mapalakas ang food security at pagtiyak ng sapat at abot-kayang suplay ng pagkain para sa mga Manileño

Una nang nakipagpulong si Mayor Isko Moreno sa Department of Agriculture (DA) hinggil sa isusulong na high-density urban gardening sa Maynila.

Dito ay napag-usapan ang mga posibleng programa, teknikal na suporta, at mga paraan para matiyak na epektibo at pangmatagalan ang pagpapatupad ng urban agriculture sa loob ng lungsod.

Nakipagpulong din ang alkalde sa isang Israeli group para sa konsultasyon hinggil sa mga makabagong teknolohiya sa agrikultura, kabilang ang water-efficient systems, vertical farming, at iba pang modernong pamamaraan ng produksyon ng gulay na angkop kahit sa limitadong espasyo.

Nauna nang nagtungo si Mayor Isko sa Singapore upang magsagawa ng pag-aaral at makakuha ng karagdagang kaalaman hinggil sa matagumpay na pagpapatupad ng urban farming at sustainable food systems na kaniya naman isasagawa sa ilang bahagi ng Maynila.

Facebook Comments