Naglabas ng Executive Order No. 29, Series of 2025 ang Pamahalaang Lungsod ng Urdaneta na nagpapatibay sa Disyembre 02, 2025 at Disyembre 08, 2025 bilang Special Non-Working Holidays sa lungsod, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Feast of the Immaculate Conception at taunang City Fiesta.
Ayon sa kautusan, magsisimula ang mga aktibidad ng pista mula Disyembre 02 hanggang Disyembre 10, 2025, at itinuring na mahalaga na mabigyan ang mga residente ng pagkakataong makalahok at makapagpasaya sa mga inihandang programa ng lungsod.
Ang pagdiriwang ay itinuturing na paraan ng pasasalamat sa mga biyayang natanggap ng komunidad, pagpapatibay ng pagkakaisa, at paghubog ng pananalig sa darating na taon.
Kabilang din sa nakasaad sa Executive Order ang suspensyon ng color coding para sa mga tricycle mula Disyembre 02 hanggang Disyembre 10, 2025, upang maging mas maginhawa ang paggalaw ng mga residente at bisita sa panahon ng selebrasyon.
Hinikayat ni Mayor Julio F. Parayno III ang lahat ng tanggapan—pampubliko man o pribado—na makiisa at makibahagi sa mga aktibidad ng City Fiesta upang higit pang mapalakas ang diwa ng komunidad at lokal na kultura.
Ang kautusang ito ay epektibo mula Nobyembre 26, 2025. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









