US Aircraft na may lulang Humanitarian Assistance and Disaster Relief Equipments, parating na sa bansa

Inanunsyo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na may isang military aircraft mula sa Estados Unidos ang inaasahang darating sa Pilipinas para maghatid ng kagamitan para sa Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR) operations habang patuloy ang nararanasang sama ng panahon sa bansa.

Ayon kay Philippine Air Force (PAF) Deputy Spokesperson Maj. Joseph Calma, kasalukuyang nasa Japan ang KC-135 aircraft na may dalang HADR equipment at naghihintay na lamang ng clearance para lumipad patungong Clark Airbase.

Aniya, mas malaki ito kaysa sa C-130 na ginagamit ng AFP sa airlift missions tuwing may kalamidad.

Nauna nang inanunsyo ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro ang joint efforts ng AFP at US Indo-Pacific Command bilang tugon sa panawagang tulong ng mga nasalanta ng kalamidad.

Bahagi rin ng preparasyon ang paggamit sa siyam na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites sa iba’t ibang bahagi ng bansa bilang multi-role venues para sa relief at rescue operations.

Samantala, tiniyak ng PAF na handa ang lahat ng kanilang air assets para umagapay sa mga apektado nating mga kababayan.

Facebook Comments