Pinawi ng Estados Unidos ang pangamba ng ilan na muling magbalik ang kanilang mga base militar sa Pilipinas.
Ito’y makaraang linawin ni United States Defense Secretary Lloyd Austin na wala silang balak na maglagay muli ng isang permanenteng base militar sa bansa na kahalintulad noong nakalipas na panahon.
Sa joint press briefing nina Secretary Austin at Defense Secretary Carlito Galvez Jr., sa Kampo Aguinaldo kahapon, sinabi ng US official na daragdagan lamang ang mga tinatawag na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites.
Binigyang diin ni Austin na hindi base militar ang mga EDCA site kundi ito ay ang mga lugar kung saan nagsasanay ang mga sundalong Amerikano gayundin ay imbakan ng kanilang mga kagamitan.
Una rito, bumisita si Austin sa tanggapan ng Department of National Defense (DND) sa loob ng Kampo Aguinaldo kung saan ay nakipagpulong siya kay Secretary Galvez para talakayin ang matibay na ugnayan sa pagitan ng dalawang bansa.