Pinabulaanan ng embahada ng Estados Unidos sa Pilipinas ang lumalabas na balitang papalitan ni Mina Chang ang kasalukuyang Ambassador ng bansa na si Sung Kim.
Paglilinaw ng US Embassy, inanunsyo ng White House noong Setyembre 2018 na balak i-nominate ni US President Donald Trump si Chang bilang Assistant Administrator ng U.S. Agency for International Development for the Bureau of Asia.
Naisangguni na sa Foreign Relations Committee ng US Senate nitong Enero ng kasalukuyang taon ang nominasyon ni Chang sa USAID position. Wala pang ibang detalyeng ipinapahayag ang White Ukol sa estado ng request ni Trump.
Sa ngayon, nagtratrabaho si Chang bilang Deputy Assistant Secretary sa Bureau of Conflict and Stabilization Operations ng US Department of State.